Nagkaisa sa panawagan ang Department of Education (DepEd) at Council for the Welfare of Children (CWC) para sa mga guro at magulang na magtulungan upang bumuo ng isang ligtas, inklusibo, at positibong learning environment para sa kapakanan at pag-unlad ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ng CWC at DepEd na ang emotional climate at kaligtasan ng mga mag-aaral ay hindi lamang dapat nakasalalay sa apat na sulok ng silid-aralan. Sa tulong ng DepEd Order 006, s. 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE), nailalapit ng pamahalaan ang mga hakbang at polisiya tungo sa pagiging child-friendly ng mga paaralan.
Ayon kay Jocelyn Dr. Andaya, Officer-in-Charge ng Office of the Assistant Secretary for Governance and Operations ng DepEd, nagsisilbi itong pangunahing kalasag ng kagawaran laban sa iba’t ibang uri ng karahasan, pambu-bully, at pananakot sa loob ng kampus.
Hindi lang pisikal na kaligtasan ang tinututukan ng ESMLE kundi pati na ang emosyonal na kalusugan ng mga bata. Iniuutos nito ang pagkakaroon ng sapat na psychosocial support at counseling para sa mga mag-aaral na nakararanas ng matinding stress o trauma.
Tinitiyak ng pamahalaan na ang bawat Pilipinong mag-aaral ay hindi lamang natututo, kundi nararamdaman din na sila ay ligtas, pinahahalagahan, at may puwang sa lipunan.