Handa na ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa malawakang pagdiriwang ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” sa darating na Setyembre 14 sa Davao de Oro.
Sentro ng mga aktibidad ang Provincial Capitol kung saan magsasama-sama ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang magkaloob ng mabilisang serbisyo para sa mga mamamayan ng lalawigan.
Samantala, napilitan namang magbukod ng sariling venue ang Department of Labor and Employment o DOLE dahil sa inaasahang dagsa ng napakalaking bilang ng mga lalahok.
Ayon kay DOLE Davao de Oro Field Office Provincial Director Neil Allan Baban, magiging malaking aktibidad ang kanilang idaraos kung saan inaasahang pangunahing panauhin si DOLE Undersecretary Warren Miclat.
Bukod sa DOLE Trabaho Agad Job Fair, isasagawa rin ng ahensya ang TUPAD payout para sa dalawang libong benepisyaryo mula sa iba’t-ibang bayan ng probinsya, kabilang ang mga Persons with Disability, na makatatanggap ng tig-₱5,400 na pasahod mula sa emergency employment program.
Mamamahagi rin ang DOLE ng livelihood grants na aabot hanggang ₱50,000 sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP para sa mga indibidwal, asosasyon, at kooperatiba, kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang 110 na mga magulang at guardian ng mga would-be child laborers mula sa isang mining area sa bayan ng Monkayo.
Nanawagan si Baban sa mga naghahanap ng trabaho at nangangailangan ng tulong na samantalahin ang oportunidad na ito sa Setyembre 14 upang direktang mapakinabangan ang mga serbisyo at programa ng gobyerno sa ilalim ng adbokasiyang Bagong Pilipinas.