Kinumpirma ni House Quad Committee Overall Chair Robert Ace Barbers na sa Kamara na nakadetine si Mark Taguba.
Matatandaang sa nakaraang pagdinig ng Quad Comm ay nagmosyon si committee co-chair Joseph Stephen Paduano na kunin muna ng Kamara pansamantala ang kustodiya ni Taguba dahil sa banta sa kaniyang buhay.
Katunayan, maging ang kaniya umanong ina ay pinagbantaan din.
Huwebes ng hapon nang matanggap ng Quad Comm ang approval mula sa Bureau of Corrections na hawakan muna ng Kamara si Taguba hanggang sa mawala ang banta sa kaniyang buhay o hanggang sa matapos ang pagdinig ng Quad Comm.
Nakulong si Taguba dahil sa idinawit sa P6.4 billion shabu shipment mula sa China noong 2017.
Pinanindigan ni Taguba na sangkot sina Davao City Rep. Paolo Duterte, bayaw na si Mans Carpio, at iba pang miyembro ng tinaguriang “Davao Group” sa pagpuslit ng naturang shabu shipment.
Ani Barbers, hindi malayong nagkaroon ng banta sa buhay ni Taguba dahil na rin sa humarap na siya ngayon sa Quad Comm. | ulat ni Kathleen Forbes