Nagkaloob ang Philippine Red Cross (PRC) ng mahigit P3-M halaga ng recovery assistance sa mga pamilyang naging biktima ng pananalasa ng bagyong #PaengPH.
Katuwang ng PRC ang Qatar Red Crescent Society at Qatar Fund for Development sa paghahatid ng livelihood assistance at food packs sa 1,550 families mula sa Aklan, Capiz, Antique at Maguindanao.
Sa kabuuan, umabot na sa P41.5-M na halaga ng humanitarian aid ang naipamahagi ng PRC sa mga probinsyang hinagupit ng bagyong Paeng simula noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nagpasalamat si PRC Chairman Richard Gordon sa QFFS at QRCS dahil sa tulong nito sa humanitarian response nang manalasa ang bagyong #UlyssesPH noong taong 2020, Marawi Crisis noong 2017 at bagyong #YolandaPH noong 2013.
Nitong June 1, nagbigay ang Red Cross ng P10,000 livelihood grants at food packs sa 129 na pamilya sa Capiz at ang nalalabing bilang ay tatanggap pa sa June 15 at 16.
Bukod dito, nakatakdang maghatid ng food truck at water tanker ang QRCS at QFFD sa Red Cross na maaaring i-preposition sa mga rehiyon na nangangailangan ng suporta dulot ng mga nagdaang kalamidad.| ulat ni Hajji Kaamiño