Pinangunahan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga ang groundbreaking ng P2.3 billion Integrated Solid Waste Management Facility (ISWMF) sa Iloilo City nitong Biernes.
Ang proyekto na itatayo sa tatlong ektaryang lote sa Barangay Ingore, La Paz ay may kakayahang magproseso ng 475 toneladang solid waste kada araw at makakabenepisyo sa mahigit 400,000 residente ng Iloilo City.
Layon ng proyekto na matugunan ang problema sa basura, kakulangan ng tubig, at pangdagdag sa suplay ng enerhiya ng lungsod.
Ang ISMWF ay magpo-proseso, magre-recover, at magko-convert ng basura ng lungsod upang gawing refuse-derived fuel at biogas na mga kinikilang renewable energy sources.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas napapanahon ang pagpatayo ng nasabing proyekto dahil malapit nang mapuno ang sanitary landfill ng lungsod.
Ang nasabing waste-to-energy project na inaasahang matatapos sa Disyembre sa susunod na taon ay isang public-private partnership sa pagitan ng Iloilo City Government at Metro Pacific Water (MPW) na pag-aari ng Metro Pacific Water Investments Corp. (MPWIC).
Pangungunahan naman ng MetPower Venture Partners Holdings, Inc. (MVPHI) na subsidiary ng MPWIC ang pagtatayo ng nasabing proyekto.
Ayon kay Loyzaga, suportado ng DENR ang nasabing proyekto na tinuturing ring kauna-unahang proyekto na ganito ang uri sa buong bansa. | via Emme Santiagudo | RP Iloilo