Nangako si Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na isusulong ang kapakanan ng mga persons deprived of liberty at kanilang pamilya.
Kasunod ito ng pulong ni Tulfo, na senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, sa mga PDL.
Kabilang sa mga isyu na idinulog ng mga miyembro ng AID DALAW Nationwide Movement ay ang sobra-sobrang pananatili ng kanilang mga kaanak na PDL kahit tapos na bunuin ang kanilang sentensiya, mabagal na pag-proseso ng pagpapalaya at kakulangan ng tulong-medikal habang nasa piitan.
Sakaling palarin sa Senado, ipapasiyasat ni Tulfo ang isyu sa pananatili sa mga piitan kahit tapos nang isilbi ang sintensya.
“Makakatulong po ako na kapag naihalal sa Senado, maghahain tayo ng resolusyon para maimbestigahan iyan, in aid of legislation, para mabalikan ang mga batas na pinapairal. Kukunin ko kayong mga resource persons, maaaring pati na rin yung mga ibang PDLs para mas maipaalam sa mga kababayan natin yung kalagayan ninyo.” Saad ni Tulfo.
Pagbabahagi ng isa sa miyembro ng AID-DALAW na pabalik balik siya sa korte para humingi ng tulong dahil ang kanyang asawa ay nananatili pa rin sa kulungan hanggan ngayon kahit na lampas na sa bilang ng taon na kailangan ng sintensiya.
May isa naman na kinailangan pa ng writ of habeas corpus para tuluyan siyang mapalaya kahit matagal nang tapos ang sintensya.
“Asahan po ninyo na susuriin natin itong mga idinudulog ninyo sa Senado para kung may kailangang repasuhin o amyendahan na batas, magagawa agad,” pagdidiin ni Tulfo.
Disyembre 2024 nang unang dumulog ang AID DALAW kay Tulfo.
Ito ay grupo na binubuo ng mahigit-kumulang 1,200 na miyembro ng mga pamilya ng PDLs na nasa maximum-security, minimum-security, medium-security prisons, at maging mga penal colonies sa
bansa. | ulat ni Kathleen Forbes