Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na naantala ang implementasyon ng ilang flood management projects nito na pinuna ng Commission on Audit o COA.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Don Artes na 33 proyekto sa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project o MMFMP Phase 1 ang hindi pa natatapos hanggang nitong December 2022 at ito ay pinondohan ng World Bank at Asian Infrastructure Investment Bank.
Ayon kay Artes, dahil ito ay foreign-assisted projects magkaiba ang procurement process kumpara sa karaniwan na minamandato ng Government Procurement Reform Act.
Paliwanag pa ng opisyal, sumailalim sa masusing proseso ng Word Bank ang naturang mga proyekto bago ito naaprubahan at naipatupad.
Dagdag pa ni Artes na ang mga proyekto na kinukwestyon ng COA ay mula noong 2018 hanggang 2022 kung saan ito ay naabutan ng pandemya at ang iba naman ay naabutan ng election ban kaya nagkaroon ng pagkaantala sa implementasyon.
Tiniyak naman ni Artes na mahigpit na mino-monitor ng MMFMP – Project Management Office ang lahat ng project deliverables nito upang matapos ito sa itinakdang petsa.
Sa 47 proyekto na pinuna ng COA, 27 na ang natapos, 12 ang ongoing at inaasahang matatapos ngayong taon, at lima ang hindi na itinuloy. | ulat ni Diane Lear