Pag-monitor sa profiteering at hoarding sa mga deklaradong calamity areas, ipinag-utos ni PNP Chief

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inatasan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga police unit sa mga lugar na deklaradong calamity areas dahil sa bagyong Egay na mag-monitor sa posibleng profiteering, hoarding at unfair trade practices at tumulong sa mga LGU at Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng price freeze.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Red Maranan bahagi ito ng relief operation and preparedness plan ng PNP para makapaghatid ng tulong at suporta sa mga rehiyon na lubhang naapektuhan ng bagyong Egay.

Kasama din dito ang pag-imbentaryo at pag-deploy sa relief operations ng mga suplay ng pagkain sa mga “food bank” ng mga Police Regional Office (PRO).

Ipinatupad din aniya ng PNP Chief ang “Adopt a Region” kung saan ang NCRPO ang susuporta sa PRO 1; ang PRO 3 naman ang tutulong sa PRO 2; at ang PRO 4A ang aalalay sa PRO COR, sa paghahatid ng tulong sa mga nasalantang lugar.

Bukod dito inatasan na rin ni Gen. Acorda ang Special Action Force (SAF) na i-deploy ang kanilang mga desalination machine, sa mga lugar na may kakapusan sa suplay ng inuming tubig; at ang Highway Patrol Group (HPG) na siguraduhing maayos ang daloy ng transportasyon sa mga rehiyong apektado ng bagyo. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us