Ipapatupad na ng Light Rail Manila Corporation ang bagong pasahe sa LRT-1 simula August 2, matapos aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang petisyon nito noong Hunyo.
Batay sa desisyon ng Rail Regulatory Unit ng DOTr, magiging ₱13.29 ang boarding fare na may ₱1.21 na distance fare sa bawat kilometro, mula sa kasalukuyang boarding fare na ₱11 at may distance fare sa bawat kilometro.
Bunsod nito,maglalaro na sa ₱14 hanggang ₱35 ang pasahe para sa mga gumagamit ng Stored Value Card, habang ₱15 hanggang ₱35 naman ang pasahe para naman sa mga gumagamit ng Single Journey Card.
Ayon kay LRMC Chief Operating Officer Rolando J. Paulino III, nananatiling isa sa pinakamabilis na mga mode ng transportasyon ang LRT-1.
Sinabi rin ni Paulino na sa kabila ng kawalan ng fare adjustment sa mga nakalipas na taon ay nagawa pa rin nilang mapabuti ang serbisyo ng linya tulad ng pinabuting waiting time, pag-rehabilitate at pag-expand ng mga istasyon, at ang pagtatayo ng LRT-1 Cavite Extension Project. | ulat ni Gab Humilde Villegas