“Huwag masindak sa mga requirements,” iyan ang binigyang-diin ni Patri Migel Santos, Project Officer ng Cultural Dissemination Section Mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA).
Sa isinagawang Press Conference ng NCCA Competitive Grants ay nabatid na kaunti ang mga project proposals na nanggagaling mula sa Pangasinan para sa kanilang Competitive Grants.
Naganap ang press conference ngayong araw ika-31 Hulyo, 2023 sa Monarch Hotel, Calasiao Pangasinan.
Ayon sa mga panauhing pandangal, isa umanong dahilan kung bakit kakaunti ang nagpapasa ng proposal project ay dahil inaakala ng mga local artist at organisasyon na komplekado ang mga kinakaylangang dokumento para sa grant.
Ayon kay Ferdinand Isleta, Section head ng Arts Section, maaaring tumawag ang mga nag-nanais na magpasa ng mga proposed projects sa Secretariat ng NCAA upang detalyadong maipaliwanag ang mga kinakaylangang dokumento.
Nabatid rin na karamihan ng mga kinakaylangang requirements ay maaaring makuha sa NCCA kung saan pupunan na lamang ang mga kinakaylangang patlang para sa dokumento.
Dagdag dito, tumatanggap ng mga proposal project ang Komisyon kahit na ito ay nakasulat sa lengwaheng Filipino man o Ingles. Kahit umano sulat kamay ay tinatanggap ng komisyon.
Kinakaylangan lamang umano na naroroon ang kagustuhan ng isang organisasyon na isulong ang kulturang Pilipino at sining.
Samantala, ang competitive grant ay ang pondong ibinibigay ng NCCA sa mga proposed project na nagsusulong ng kultura at sining.| ula ni Ricky Casipit| RP1 Dagupan