Hawak na muli ng mga awtoridad ang nawawalang Person Deprived of Liberty o PDL ng New Bilibid Prison o NBP sa Muntinlupa City na si Michael Cataroja.
Ito ang kinumpirma sa Radyo Pilipinas ni Rizal Provincial Police Office Chief, P/Col. Dominic Baccay kasunod na rin ng ilang linggong surveillance na kanilang isinagawa.
Batay sa ulat na ipinarating ni Baccay sa Kampo Crame, kaninang hapon nahuli ng mga pulis si Cataroja sa kaniyang pinagtataguang bahay sa Binangonan, Rizal.
Kasalukuyan pang isinasailalim sa documentation at proper disposition si Cataroja sa Rizal Police Provincial Office
Nabatid na nakatakda munang iharap kay Police Regional Office 4A Director, P/BGen. Carlito Gaces si Cataroja bago ito i-turnover sa Bureau of Corrections o BuCor. | ulat ni Jaymark Dagala