Dinala na sa tanggapan ng Philippine National Police o PNP – Forensic Group sa Camp Crame ang labi ng grade 5 student na biktima ng pananakit ng sarili nitong guro sa Antipolo City at nagresulta sa pagkasawi nito.
Ito’y makaraang makuha na ni Ginang Elena Minggoy Gumikib, ang death certificate ng kanilang anak na si Francis Jay sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City kaninang umaga.
Kasama ang mga tauhan ng Antipolo City Police Office, dinala sa Camp Crame ang labi ng binatilyo para isailalim sa autopsy na siyang kinakailangan upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
Sa panig naman ng Amang Rodriguez Hospital, kaya natagalan ang pagpapalabas ng death certificate ay dahil sa wala pa ang doktor na siyang dapat pumirma nito.
Una rito, pinagpasa-pasahan pa muna ang labi ng biktima matapos kunin ito ng isang nagpakilalang pamangkin ng isang barangay chairperson at dinala sa San Pedro Calungsod Funeral Service subalit sinisingil ang pamilya ng ₱42,000 para sa serbisyo. | ulat ni Jaymark Dagala