Iniulat ng Quezon City Police District (QCPD) na bahagyang bumaba ang crime rate sa Lungsod Quezon sa huling bahagi ng nakalipas na buwan.
Ayon kay QCPD Police Brigadier General Redrico Maranan, bumaba ang krimen ng walong insidente o 19.51% mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1, 2023 kumpara sa 41 insidente mula Setyembre 18 hanggang 24 ngayon ding taon.
Resulta umano ito ng tuloy-tuloy na anti-criminality operations na nakatuon sa pinahusay na preventive measures, na isinagawa ng iba’t ibang unit at istasyon ng pulisya.
Partikular na tinukoy ng QCPD Chief ang pagbaba ng kaso sa walong crime tulad ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, car theft, at motorcycle theft.
Maging ang Crime Clearance Efficiency (CCE) ay nagtala ng higit sa 80%, habang tumaas din ang Crime Solution Efficiency (CSE).
Ang Task Force DART, na ipinatupad para magsagawa ng Oplan Galugad/ Bulabog, Enhance Police Presence, at Motorcycle Patrol sa crime-prone areas ay ilan sa vital factors ng tagumpay na ito ng pulisya.
Dahil dito, pinasalamatan ni General Maranan ang kanyang mga tauhan sa patuloy na suporta sa kanyang layunin, na gawing ligtas ang lungsod laban sa lahat ng uri ng kriminalidad. | ulat ni Rey Ferrer