Kuntento si DILG Sec. Benhur Abalos sa pagbabantay ng pambansang pulisya sa nagpapatuloy na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Inihayag ito ng kalihim sa kanyang pagbisita sa QCPD Election Monitoring Action Center ngayong tanghali upang alamin ang sitwasyon sa iba’t ibang polling precincts.
Dito, iprinesenta naman ni QCPD Chief Maranan ang mga live na kuha sa CCTV at mga body worn camera ng mga pulis-QC.
Ayon kay Gen. Maranan, maituturing na ‘manageable’ at mapayapa ang kasalukuyang sitwasyon ng halalan sa buong Quezon City.
Wala rin aniyang anumang ‘untoward incident’ gaya ng pamamaril sa mga polling center sa lungsod.
Maging si NCRPO Chief Jose Melencio Nartatez Jr., sinabi ring ‘proactive’ ang pulisya sa buong Metro Manila lalo na sa pagpuntirya ng mga namimili ng boto.
Pinuri naman ni DILG Sec. Abalos ang buong pwersa ng PNP sa mahigpit na pagbabantay sa seguridad ngayong eleksyon.
Paliwanag nito, malaking bagay na tinututukan ngayon ng kapulisan ang paghuli sa mga lumalabag sa ‘election rules’ kabilang na ang mga lumalabag sa gun ban, liquor ban at vote buying. | ulat ni Merry Ann Bastasa