Higit 110K taga-Bukidnon, nakabenepisyo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

Facebook
Twitter
LinkedIn

Aabot sa 110,000 na residente ng Bukidnon ang napaabutan ng tulong pinansyal at serbisyo ng gobyerno sa pagdating ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa probinsya.

Ngayong araw hanggang bukas, idaraos ang BPSF kung saan nagpaabot ng kabuuang P379 milion na cash assistance at 176 na iba’t ibang serbisyo ng nasa 58 ahensya ng pamahalaan.

Pinangunahan ito ni Speaker Martin Romualdez na kinatawan ang Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.

“Mapalad ang Bukidnon dahil isa po kayo sa mga piling lugar na napiling pagdausan ng pinakabagong programa ng ating gobyerno — ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. May ilang probinsya na rin po ang nakaranas ng ginhawa na dala ng ating Serbisyo Fair pero masasabi ko po na itong Bukidnon ang isa sa pinakamaraming beneficiaries na napadalo,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang Bukidnon ang ikapitong probinsyang pinuntahan ng BPSF.

Kasama sa serbisyong inilunsad ngayong araw ang AICS payout ng DSWD sa lahat ng 22 LGU ng lalawigan kung saan 53,000 na indibidwal ang natulungan at ang TUPAD ng DOLE.

“Para po sa kaalaman ng lahat, naisip namin na maglunsad ng ganitong proyekto bilang sagot sa hamon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. na pabilisin ang paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa bawat Pilipino. Kasama ng Office of the Speaker sa proyektong ito ang buong kasapian ng House of Representatives kaagapay ang lahat ng departamento at ahensya ng gobyerno,” pagbabahagi nito.

Muli ring ikinasa ang Cash Assistance and Rice Distribution Program (CARD).

Nasa 3,000 benepisyaryo ng CARD ang nakatanggap ng P1000 na cash assistance at 25 kilos na bigas.

Una nang inilunsad ang programa sa Laguna at  NCR.

Target na mapalawak pa ang programa sa iba pang panig ng bansa para sa kabuuang 2.5 million vulnerable at indigent Filipino beneficiaries.| ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us