Posibleng matanggal sa serbisyo si Police Major Allan de Castro na itinuturing na person of interest sa pagkawala ng Ms. Grand Philippines 2023 candidate na si Catherine Camilon.
Ayon kay PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, nahaharap ngayon sa dalawang administratibong kaso si Maj. de Castro na maaaring magresulta sa kanyang dismissal sa serbisyo kung mapatunayang guilty.
Ayon kay Triambulo ang unang kaso ay ‘conduct unbecoming of an officer’ dahil sa imoralidad, kaugnay ng kanyang umano’y pakikipag-relasyon sa beauty queen kahit may asawa na siya.
Paliwanag ni Triambulo, nasa summary dismissal proceedings na ang kaso na inaasahang matatapos ang pagdinig sa katapusan ng buwan.
Ang pangalawang kaso naman aniya ay ‘kidnapping and serious illegal detention’, na nasa pre-charge investigation stage na, kung saan binigyan ng notice si Maj. de Castro na magsumite ng counter affidavit, bago umakyat sa summary dismissal proceedings ang kaso.
Sinabi ni Triambulo na kapag mapatunayang guilty, kasama sa dismissal sa serbisyo ang pag-forfeit ng lahat ng benepisyo tulad ng retirement pay, at ang pagbabawal na maglingkod sa alinmang sangay ng pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne