Naglaan ang Senate Committee on Finance ng higit P50 million sa pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa accreditation ng mahigit 11,000 na dagdag assessors ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukalang ito na layong suportahan ang pagpapatupad ng libreng assessment at certification ng 420,967 sa Grade 12 na kumukuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magiging triple ang assessment capacity ng TESDA sa 19,389 mula 7,551 sa pagwawakas ng 2024.
Sapat na aniya para ipatupad ang assessment ng mga mag-aaral ng senior high school para sa kanilang national certifications (NC).
Noon pa man ay isinusulong na ng senador ang assessment at certification ng mga mag-aaral sa senior high school sa TVL track para makatulong sa paghahanap nila ng magandang trabaho.
Aniya, bagamat malaking tulong ang certification para sa mga senior high school graduates na naghahanap ng trabaho, iniulat ng Department of Education (DepEd) na hindi lahat ng mga mag-aaral ay kayang magbayad ng assessment at certification.| ulat ni Nimfa Asuncion