Tatlong job fair ang isasagawa sa Central Visayas bilang bahagi ng ika-90 taong anibersaryo ng pagkatatag ng Department of Labor of Labor and Employment (DOLE).
Ang tema ng 90th founding anniversary ng DOLE ay Serbisyong Mabilis at Matapat sa Bagong Pilipinas.
Sa impormasyong ipinalabas ng DOLE VII, ang mga job fair ay isasagawa sa lalawigan ng Cebu, Bohol at sa lungsod ng Cebu.
Unang isasagawa ang job fair ngayong darating na Disyembre 2, sa Brgy. Taloto, lungsod ng Tagbilaran, Bohol kung saan nasa mahigit 900 bakanteng posisyon ang naghihintay sa mga job seekers.
Nasa halos 1,000 bakanteng posisyon naman ang maaring aplyan ng mga naghahanap ng trabaho sa isasagawang job fair sa bayan ng Madridejos sa lalawigan ng Cebu sa darating na Disyembre 6.
Magiging highlight naman ng anniversary celebration ng DOLE sa Central Visayas ang isasagawang job fair sa SM Seaside City Cebu, sa lungsod ng Cebu sa darating na December 8.
Sa pinakahuling datus ng ahensya, nasa 700 job vacancies mula sa 9 na mga employers na ang nailistang kasali sa job fair.
Ayon kay DOLE VII Director Lilia Estillore, maaring madagdagan pa ang bilang ng mga employers na sasali sa mga job fair at dadami pa ang bilang ng mga bakanteng posisyon na maaring aplyan ng mga naghahanap ng trabaho.
Pinayuhan naman ni Estillore ang mga job seekers na ihanda na ang mga kinakailangang dokumento tulad ng resume, Certificate of Employment kapag dati nang nakapag trabaho, diploma at transcript of records.| ulat ni Angelie Tajapal| RP1 Cebu