Mahigpit na kinondena ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang naganap na pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City kaninang umaga.
Ginawa ito habang isinasagawa ang misa sa Dimaporo Gymnasium na nagresulta ng pagkamatay ng apat katao at pagkasugat ng 50 iba pa.
Sinabi ni Teodoro na may utos na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na makipagtulungan sa local law enforcement agencies para sa mabilis na imbestigasyon sa insidente.
Prayoridad aniya ngayon na mahuli ang mga responsable sa pambobomba at mapanagot sa batas.
Pagtiyak pa ng kalihim na mahigpit nang ipinapatupad ang security measures sa Marawi City upang maiwasan ang anupamang karahasan sa komunidad.
Hinimok din ng kalihim ang publiko na manatiling mapagbantay gayundin makipagtulungan sa mga awtoridad.| ulat ni Rey Ferrer