Kinumpirma ng Mindanao State University Marawi Campus sa official statement nito na walang lockdown sa nasabing pamantasan matapos ang pagsabog na nangyari nitong umaga ng December 3, 2023 kung saan nagdulot ito ng pagkamatay ng apat na indibidwal, tatlong babae at isang lalaki.
Patuloy rin ang mahigpit na koordinasyon ng unibersidad sa mga awtoridad at rescuers ng lungsod upang matiyak ang seguridad sa loob ng campus.
Walang rekomendasyon na magkaroon ng lockdown o ang pangangailangan na ilikas ang mga nasasakupan ng MSU.
Samantala, hinihimok nila ang mga nasasakupan ng unibersidad na manatiling kalmado at maingat at manatili sa kanilang mga dormitoryo, boarding house, at tahanan sa loob ng campus.
Sa tulong ng Provincial at City Disaster Risk & Reduction Management Office ng lalawigan at lungsod ay ihahatid nila ang mga pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain para mga mag-aaral at empleyado ng pamantasan sa kani-kanilang mga boarding houses.| ulat ni Johania Yusoph| RP1 Marawi