Umakyat na sa mahigit ₱1.2-bilyong piso ang iniwang pinsala ng Magnitude 7.4 at 6.8 na lindol sa mga rehiyon ng Davao at CARAGA partikular na sa imprastraktura.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa mahigit 1,000 istruktura ang winasak ng dalawang malalakas na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur.
Sa nasabing bilang, 327 ang mula sa Davao Region na nagkakahalaga ng mahigit ₱2.9-million habang 798 na imprastraktura naman ang napinsala sa rehiyon ng CARAGA na nagkakahalaga ng ₱1-bilyong piso.
Samantala, nasa 8,705 ang mga kabahayang nasira ng lindol sa mga rehiyon ng Northern Mindanao, Davao, at CARAGA kung saan 8,315 ang partially damaged habang 390 ang totally damaged.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, tatlo ang iniulat na nasawi habang 79 naman ang sugatan.
Umaabot sa 178,814 pamilya o katumbas ng halos 720,000 katao ang apektado kung saan nasa 300 katao na lamang ang pansamantalang nanunuluyan sa ilang evacuation centers. | ulat ni Jaymark Dagala