Namahagi ng Pamaskong handog ang iba’t ibang hensya ng pamahalaan para sa mga street dweller na kinukupkop sa Jose Fabella Center sa Mandaluyong City.
Sa ilalim ito ng LAB for ALL: Christmas for All gift-giving project na bahagi ng inisyatiba ni First Lady Liza Araneta – Marcos.
Dahil kasama ng Pangulo ang Unang Ginang sa kaniyang biyahe sa Japan, kumatawan sa kaniya ang iba’t ibang opisyal gaya nila Interior Sec. Benhur Abalos Jr, MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes at si Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr.
Tumulong din sa pamamahagi ng Pamaskong handog ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Sec. Abalos na nais ng administrasyon na maipadama sa mga tinatawag na ‘underprivileged’ ang Pasko sa kabila ng kanilang pinagdaraanan.
Maliban sa Mandaluyong City, tuloy-tuloy din ang pag-iikot ng LAB for All caravan sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang abutin ang mga kababayang higit na nangangailangan. | ulat ni Jaymark Dagala