Tiniyak ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na walang magbabago sa kanilang ginagawa tuwing magpapalit ang taon.
Ibig-sabihin, ayon kay PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., hindi pa rin seselyuhan ang baril ng mga Pulis sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Acorda, walang pangangailangan para gawin ito sa ngayon lalo’t tiwala naman siya sa pagiging propesyonal, gayundin ang pagiging kagalang-galang ng mga Pulis.
Kaya naman kumpiyansa ang PNP Chief na kikilos ang mga Pulis sa kung ano ang tama at nararapat.
Magugunitang itinigil ang pagseselyo ng baril sa panahon ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald Bato dela Rosa noong 2016 sa paniniwalang kailangan ng mga Pulis na rumesponde sa mga krimen na kanilang maeengkuwentro.
Muli namang paalala ng PNP Chief sa kaniyang mga tauhan, gamitin ang kanilang baril sa tama at iwasang masangkot sa mga insidente ng indiscriminate firing. | ulat ni Jaymark Dagala