Umabot sa 22,000 ang pwersang naka-deploy para sa seguridad ng Traslacion 2024 mula sa orihinal na inanunsyong 15,000.
Ito ang iniulat ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, ito ay kinabibilangan ng 18,000 security personnel at 4,000 force multiplier.
Kasama aniya sa mga dineploy ng PNP ang nasa 4,000 hanggang 5,000 tauhan mula sa mga Reactionary Standby Support Force (RSSF).
Patuloy aniya na ina-assess ang sitwasyon kung kinakailangan pang magdagdag ng karagdagang tauhan.
Bagamat sinabi ni Fajardo na hanggang kaninang tanghali ay “generally peaceful” ang pagdaraos ng Traslacion, isa sa mga “concern” ng PNP ang pagpapanatili ng striktong seguridad sa Quiapo Church kapag dumagsa na ang mga debotong kasabay ng andas, na inaasahang makakarating sa simbahan mamayang alas-9 o alas-10 ng gabi. | ulat ni Leo Sarne