Nakarating na rin sa Zambales ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair program ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ngayong araw inilunsad ang serbisyo fair sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Dala ng dalawang araw na BPSF sa Zambales ang Higit P500 milyong halaga ng tulong pinansyal, pangkabuhayan, scholarship at iba pang serbisyo.
“Ipapaabot natin ang pagmamahal ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa mga Zambaleños sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan na ito. Dadalhin namin ang serbisyo ng pamahalaan sa inyo, tulad ng pangako ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Speaker Romualdez.
“When we started the Serbisyo Fair last year, we never imagined that it would be a resounding success like what we’ve seen in the provinces we’ve visited. Kaya patuloy natin itong gagawin sa mga susunod na buwan dahil nakikita natin ang direktang benepisyo nito sa mga mamamayan,” dagdag pa niya.
Ang Zambales BPSF ang ika-sampu sa serye ng serbisyo caravan na layong libutin ang lahat ng 82 probinsya.
Nasa 170 serbisyo mula sa 46 na nakibahaging ahensya ng pamahalaan ang binuksan sa BPSF na magtatagal hanggang bukas January 28.
Isinagawa rin ang province wide payout ng AICS program ng DSWD kung saan 26,000 na indibidwal ang nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P52 million.
Ilan pa sa mga serbisyo ay ang pagbibigay ng scholarship ng CHED at livelihood assistance para sa iba’t ibang sektor mula Department of Labor and Employment (DOLE).| ulat ni Kathleen Forbes