Umakyat na sa 35 ang bilang ng mga namatay sa nangyaring landslide sa Brgy. Masara, Maco sa Davao de Oro.
Iyan ay batay sa pinakahuling ulat mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kung saan nasa 77 pa ang naitalang missing at nakapako sa bilang 32 ang naitalang sugatan.
Ayon sa Davao de Oro Provincial Executive Assistant for Communications and Public Information Edward Macapili, pansamantalang itinigil ngayong araw ang search, rescue, and retrieval operation dahil sa nararanasang masamang panahon simula pa kagabi.
Samantala, nakatakdang bumisita si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga biktima ng Masara Landslide at evacuees sa isang evacuation site.
Ayon sa unang impormasyon mula sa DSWD XI, kabilang sa pupuntahan ng kalihim ang mga sugatan na nakaadmit sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, at mga evacuees dito sa Nuevo Iloco Elementary School at Nuevo Iloco National High School sa bayan ng Mawab.
Kasama rin sa iskedyul ng kalihim ang pagbisita sa ground zero, pero hindi pa sigurado kung matutuloy ito dahil sa ulan.
Habang hinihintay ang pagdating ni Secretary Gatchalian, patuloy ang sorting ng mga relief goods sa gym ng paaralan, kasama na dito ang mga donasyon mula sa mga pribadong indibidwal at ibang local government units.
Sa pinakahuling tala ng Maco MSWDO, nasa 1,102 na pamilya o 3,815 na indibidwal ang nananatili sa walong evacuation sites.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao