Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel na paigtingin ang proteksyon sa mga medical professionals ng bansa kasunod ng tangkang ambush sa physician na si Dr. Charmaine Ceballos Barronquillo.
Si Dr. Barroquillo ay isang government physician sa Sultan Kudarat Provincial Hospital at nagtamo ito ng seryosong injury mula sa ambush na nangyari sa isang liblib na lugar sa Maguindanao del Sur.
Binigyang-diin ni Pimentel na tungkulin ng gobyerno na protektahan ang mga doktor na inaalay ang kanilang buhay sa panggagamot at pagliligtas ng buhay ng iba.
Ipinunto ng senador na ipinapakita lang ng insidente ang panganib na kinakaharap ng mga healthcare workers sa ilang mga lugar sa Pilipinas kung saan may mga security threat at armed conflicts pa rin.
Sinabi ni Pimentel na dapat hulihin at panagutin ang mga nasa likod ng pag-atake na ito at magpatupad ng mga hakbang para maprotektahan ang buhay ng mga doktor at iba pang frontline workers ng bansa.
Nagbabala ang minority leader na maaaring magdulot ng chilling effect sa mga doktor, lalo na sa mga nakadestino sa mga liblib na lugar ng bansa, kapag nabigo ang gobyerno na maresolba ang insidente. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion