Nagtatag na ng peace and development program ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng commitment ng pamahalaan sa peace agreement sa pagitan ng Government of the Philippines at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Bangsamoro.
Sa ilalim ng peace and development program, ang DSWD ang babalangkas ng Program Management Unit at Regional Program Management Units sa Region IX (Zamboanga Peninsula), Region X (Northern Mindanao), at Region XII (SOCCSKSARGEN).
Sila na ang mangangasiwa sa implementasyon ng iba’t ibang peace programs at initiatives sa mga nabanggit na rehiyon.
Ang nasabing hakbang ay resulta sa ginanap na 34th GPH-MILF Peace Implementing Panels Meeting sa Pasig City, na dinaluhan ni DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay.
Ang government peace implementing panel ay pinamumunuan ni Presidential Assistant Cesar Yano at Vice-Chairperson Usec. Tanjusay.
Habang sa panig ng MILF panel, ito ay pinamumunuan ni Minister of the Parliament Mohagher Iqbal. | ulat ni Rey Ferrer