Aabot sa higit 3,000 residente ang nakatanggap ng libreng x-ray mula sa Caloocan City government bilang bahagi ng pinaigting na anti-tuberculosis campaign sa lungsod.
Pinangunahan ng Caloocan City Health Department (CHD) ang naturang kampanya sa pamamagitan ng pagset up ng mobile clinic, at pagiikot sa mga barangay.
Mula sa kabuuang 3,052 residenteng nasuri, natukoy na 336 sa kanila ay hinihinalang nakararanas ng mga sintomas, habang 312 naman ang sumailalim sa genexpert test upang malaman kung sila ay may tuberculosis.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Caloocan City Mayor Along Malapitan na magtutuloy-tuloy ang pag-iikot ng mobile clinic sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod para magbigay ng libreng chest x-ray.
Nagbigay na rin ito ng direktiba sa lahat ng mga punong barangay na hikayatin ang mga residente na sumangguni sa CHD o sa pinakamalapit na health center sakaling ang mga ito ay may tuberculosis o sintomas nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa