Nag-deploy ang Philippine Air Force (PAF) ng Super Huey Helicopter mula sa 505th Search and Rescue Group para tumulong sa pag-apula ng dalawang panibagong forest fire na sumiklab sa kabundukan ng Benguet kahapon.
Ayon kay PAF Spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, nagsagawa ito ng serye ng heli-bucket operations para sabuyan ng tubig ang mga sunog sa Mt. Camisong sa Itogon, Benguet, at sa Barangay Adonot, Bokod, Benguet.
Inigib ang tubig mula sa Sto. Tomas Water Reservoir at Banao River.
Nagsasagawa din aniya ng mahigpit na koordinasyon ang Tactical Operations Group 1 ng Tactical Operations Wing Northern Luzon ng PAF, sa Civil Defense Cordillera, Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang lokal na ahensya ng gobyerno para talakayin ang fire-suppression strategy.
Sa ngayon ay wala pang iniulat na casualties sa insidente, habang inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog. | ulat ni Leo Sarne
📸: PAF