Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang illegal recruiter.
Ito’y sa ikinasang joint operation ng Migrant Workers Protection Bureau ng DMW at ng Criminal Inevestigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit sa Lungsod ng Maynila.
Nakilala ang suspek na si Mariam Mukalam na tubong Lambayong, Sultan Kudarat at kasalukuyang naninirahan sa bahagi ng Quiapo.
Nasakote ang suspek matapos positibong tanggapin ang ₱3,000 na hinihingi nito mula sa isang aplikante upang mapabilis umano ang kanilang pag-alis patungong Poland.
Ayon sa CIDG, modus ng suspek na pangakuan ang kaniyang mga biktima ng trabaho sa Poland tulad ng waiter na may buwanang suweldo umano na ₱60,000.
Gayunman, kinakailangan umanong magbayad kay Mukalam ng ₱15,000 para mapadali ang proseso ng mga dokumento at sa sandaling makakuha na ng pera ay maglalaho na itong parang bula.
Nabisto ang modus ng suspek matapos dumulog sa Legal Assistance Division ng DMW ang isa sa mga nabiktima nito kung saan ay nakumpirmang bogus ang ini-aalok nitong trabaho at hindi rin siya lisensyado ng kagawaran.
Kasalukuyang nakakulong sa CIDG detention facility sa Kampo Crame ang suspek at nahaharap sa kasong large scale illegal recruitment at estafa.
Tiniyak naman ni Migrant Workers Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac na pagtutuunan nila ang kaso at bibigyan ng libreng tulong legal ang mga biktima. | ulat ni Jaymark Dagala