Magpapatuloy ang Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group o PNP-IMEG ng kanilang layuning linisin ang hanay ng Pulisya mula sa mga tiwaling tauhan nito.
Iyan ang ipinangako ni PNP-IMEG Director, P/BGen. Warren de Leon kaalinsabay ng ika-5 anibersaryo nito ngayong araw.
Sa kaniyang talumpati, ini-ulat ni de Leon na aabot sa 69 na mga aktibo at dating Pulis ang kanilang naaresto dahil sa iba’t ibang paglabag mula sa 86 na ikinasang operasyon sa nakalipas na 1 taon.
Kabilang sa mga naaresto ang 1 aktibong Police Commissioned Officer, 16 na Police Non-Commissioned Officer at 5 sibilyan na kasabwat ng mga Pulis sa buy-bust operations.
21 naman sa mga nahuli ng IMEG ay pawang mga wanted person na Non Police Commissioned Officers at 26 naman ang mga Pulis na nagretiro o di kaya’y nasibak na sa serbisyo.
Samantala, ibinida naman ng IMEG na aabot sa 49 na kasong kriminal ang naisampa na nila sa prosecutor’s office habang 46 na administratibong kaso ang nasampa sa Internal Affairs Service.
Dito, nasa 39 na kaso ang pending for resolution, 4 ang suspension, 2 ang demotion at 1 ang dismissal from service.
Una nang inihayag ng PNP na nasa 1,206 na mga Pulis ang minomonitor ngayon ng IMEG na sangkot sa iba’t ibang krimen at iligal na aktibidad. | ulat ni Jaymark Dagala