Nananawagan ang Southern Police District (SPD) sa publiko na mag-ingat at huwag basta-basta mag-share ng mga hindi beripikadong mga report matapos na kumalat sa social media at mga text messages ang umanoy nakatakas na tatlong preso sa Guadalupe sa Lungsod ng Makati.
Ayon sa SPD walang katotohanan ang kumakalat na tatlong preso na may kasong rape, homicide, at murder na nakatakas sa detention facility.
Aniya nagsagawa na ng aksyon ang Intelligence operatives at SOCO Team ng Makati sa naturang report kung saan nagtungo sila sa Guadalupe Nuevo Sub Station, the Bureau of Jail Management and Penology sa Makati City, at sa La Paz Custodial Facility kung saan ang lahat ng nasabing piitan ay itinanggi na mayroong naganap na pagtakas sa kanilang lugar.
Kaugnay nito tinitiyak naman ng SPD ang kaligtasan ng publiko sa kanilang Police visibility, pag-monitor sa mga sitwasyon at pagbibigay agad ng impormasyon sa publiko kung kinakailangan. | ulat ni AJ Ignacio