Handa ang Philippine National Police (PNP) na bigyan ng proteksyon ang sinumang indibidwal kabilang na si Pastor Apollo Quiboloy kung may request para dito.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame, nang hingan ng reaksiyon kaugnay sa sinabi ni Pastor Quiboloy na umano’y plano ng Estado Unidos na dukutin at ipalikida siya.
Pero nilinaw ni Col. Fajardo, na maliban sa mga ipinahayag ni Quiboloy wala naman silang na-monitor na impormasyon tungkol sa posibleng banta sa buhay ng kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ.
Unang ibinunyag ni Quiboloy ang umano’y pagsasabwatan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Estados Unidos laban sa kanya sa isang voice message na pinost sa You Tube kahapon.
Giit ni Fajardo, hindi alam ng PNP kung saan nakuha ni Quiboloy ang kanyang impormasyon at walang nalalaman ang PNP tungkol sa sinasabing niyang sa sabwatan. | ulat ni Leo Sarne