Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) na hindi na ito maghahain ng motion for reconsideration kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema sa Single Ticketing System, na hindi na maaaring mag-issue ng violation ticket ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).
Ito ay matapos ang ginawang pulong ng MMDA at MMC ngayong araw.
Inihayag ni MMDA Acting Chairperso Atty. Don Artes, na bawat LGU na ang gagawing paghahain ng MR, tatlong LGU naman aniya ang nagpahayag ng kagustuhan na maghain ng MR kabilang dito ang Manila, Makati City, at Mandaluyong City.
Nais anilang manaig ang local autonomy ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Artes mananatili pa rin ang status quo dahil hindi pa final at executory ang desisyon ng Korte Suprema. Ibig sabihin nito, maaari pa ring mag-issue ng violation ticket ang mga lokal na pamahalaan sa mga pasaway na motorista.
Samantala, ipatutupad naman ng MMDA ang pag-deputize ng mga traffic enforcer ng mga lokal na pamahalaan upang mapunan ang kakulangan sa mga traffic enforcer ng MMDA sa oras na ipatupad na ang kaustusan ng Korte Suprema.
Tiniyak naman ni Artes na may sapat na training at kakayahan ang mga kukuhaing traffic enforcer ng mga LGU. | ulat ni Diane Lear