Iprinisenta ngayon ng Quezon City Police District ang nasa 19 na sasakyan at mga motorsiklong narekober nito sa pinaigting na anti-canapping operations sa lungsod.
Ayon kay QCPD Chief PBGen. Red Maranan, karamihan sa mga ito ay biktima ng rent-tangay modus.
Sa pangunguna ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ay tatlong carnappjng syndicates rin ang nalansag ng QCPD kung saan nasakote rin ang mayorya ng mga miyembro nito at nasampahan na ng kaso.
Nag-ugat ang operasyon sa aniya’y naging magkakasunod na kaso ng mga rent-tangay modus sa Quezon City.
Ayon kay QCPD Chief PBGen. Maranan, sa ilalim ng modus na ito ay kadalasang nagpapanggap na customer ang mga suspek at nagpre-presenta ng mga pekeng dokumento para rentahan ang sasakyan na kalaunan ay tatangayin na.
Ilan pa nga sa mga narekober na sasakyan ang ‘tampered’ na at muntikan nang maibenta.
Kaugnay nito, dalawang biktima ang nagtungo sa QCPD kung saan ibinalik na sa kanila ang dalawang sasakyan na 2023 pa natangay.
Laking pasasalamat ng mga ito sa QCPD dahil narekober pa ang kanilang mga sasakyan.
Dahil dito, muling nagpaalala si PBGen. Maranan sa mga nagnenegosyo ng car rental na maging metikuloso sa mga ka-transaksyon nang hindi mabiktima ng naturang modus.
Tiyakin rin aniyang may mga tracking device ang sasakyan para agad itong matunton kahit na matangay. | ulat ni Merry Ann Bastasa