Mas magiging ligtas na ang pagbibisikleta at paglalakad sa Kalibo, Aklan dahil sa bagong active transport infrastructure na pinasinayaan ng Department of Transportation (DOTr) ngayong araw.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na makakaakit ng mas maraming turista sa lugar at sa Boracay ang bike lanes at pedestrian-friendly na mga kalsada.
Binigyang-diin din ng kalihim na ligtas na espasyo ang mga ito para sa mga siklista, naglalakad, at maging sa iba pang gumagamit ng kalsada.
Maliban sa turismo, makapagbibigay din aniya ito ng pagkakataon sa mga residente sa Kalibo na makapag-bisikleta pagpasok sa trabaho at iba pang destinasyon.
Ani Bautista, ito ay makahihikayat ng mas malusog na pamumuhay at nakakabawas sa polusyon ang mga bike lane at pedestrian facility.
Ang nasa 36 kilometrong bike lane project ay bahagi ng kasunduan sa pagitan ng DOTr at Department of Public Works and Highways noong August 22, 2022.
Tinatayang mahigit 80,000 residente ng Kalibo, kabilang ang mga turista, estudyante, at empleyado, ang makikinabang sa naturang proyekto. | ulat ni Diane Lear
Photos: DOTr