Makikipagtulungan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang napaulat na paglobo ng bilang ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na aalamin nila ang katotohanan sa naturang balita, at kung may kahina-hinalang pagkilos ang naturang mga dayuhang mag-aaral.
Gayunman, sinabi ni Padilla na masyado pang maaga para ituring ng AFP na nakakabahala ang sitwasyon.
Paliwanag ni Padilla, kailangan munang magsagawa sila ng assesment sa impormasyong makakalap mula sa lugar.
Una nang naghain ng magkahiwalay na resolusyon ang dalawang mambabatas mula sa Cagayan para imbestigahan ang kahina-hinalang pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa mga kolehiyo at unibersidad sa lalawigan sa gitna ng iringan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne