Lalahok ang Philippine Air Force (PAF) sa Pitch Black 2024 (PBK24) military exercise sa Darwin, Australia mula Hulyo 12 hanggang Agosto 2.
Ang ehersisyo ay isang malawakang “multi-national” na pagsasanay na nakatutok sa “Offensive Counter Air and Air Interdiction”, sa pangunguna ng Royal Australian Air Force.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, ang PAF contingent ay binubuo ng mga planners, pilots, at crew.
Ito aniya ang unang pagkakataon na magpapadala ang PAF ng FA-50 fighters para sumali sa multilateral interoperability exercise.
Inaasahan ng PAF na ang pakikilahok ng kanilang Air assets sa naturang ehersisyo ay magiging pagkakataon para mapahusay ang kanilang TTP o “tactics, techniques and procedures” at doktrina sa mga pinagsanib na “Air Operations”. | ulat ni Leo Sarne