Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa local leaders at sa mga magulang na tiyaking 100 porsiyento ng mga kabataan ang pumapasok sa paaralan.
Sa kanyang pagbisita sa Hinoba-an, Negros Occidental, binigyang-diin ni VP Sara na mahalagang magabayan ang mga bata tungo sa tamang landas upang makaiwas sa ilegal na droga at karahasan.
Muli ring ibinahagi ng pangalawang pangulo ang “PagbaBAGo Campaign,” na bahagi ng programa ng Office of the Vice President kung saan iginigiit na susi ang edukasyon sa pagsugpo sa kahirapan.
Kasabay nito ay ang adbokasiya ng family planning at responsible parenthood, na karaniwang nakikitang problema sa mahihirap na pamilya.
Nagpasalamat naman ang alkalde ng Hinoba-an na si Mayor Daph Anthony Reliquias, matapos magtayo ng Public Assistance Help Desk sa bayan na tutugon sa pangangailangan ng marginalized at disadvantaged individuals. | ulat ni Hajji Kaamiño