Inatasan ng Makati City Regional Trial Court Branch 148 ang Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) para suriin ang mga kagamitang nakumpiska mula sa Chinese National na hinihinalang espiya at naaresto sa Makati City.
Nabatid na ipinag-utos ni Makati City RTC Branch 148 Presiding Judge Andres Bartolome sa PNP-ACG na magsagawa ng tinatawag na “Forensic Digital Examination” sa mga kagamitan ng naturang Chinese national na gagamiting ebidensya sa kaso laban sa kaniya.
Kasama sa ipinasusuri ng korte sa PNP-ACG ay ang military grade aerial drone, multi-band directional antenna system, solar inverter, radio reciever at transmitter, router, computer CPU, tablet, laptop, 3 cellphone, portable power station at 2 battery unit.
Samantala, inatasan din ng Korte ang PNP-ACG na i-secure ang lahat ng hawak nilang impormasyon na resulta ng isinasagawa nilang onsite at off-site examination sa mga nabanggit na kagamitan.
Kasalukuyang hawak ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Kampo Crame ang naturang Chinese national habang isinasaayos ang napipintong paglilipat dito sa PNP Custodial Facility. | ulat ni Jaymark Dagala