Mariing kinondena ni Senador JV Ejercito ang paulit-ulit at hindi awtorisadong pagpasok ng Chinese maritime forces sa teritorial waters ng Pilipinas.
Ayon kay Ejercito, ang mga ginagawang delikadong aksyon ng China gaya ng pagbangga at pag-tow ng mga Philippine vessels ay nakakagulo sa ating rehiyon, naglalagay sa panganib sa ating mga kababayan, at sumisira sa ating sovereign rights.
Umaasta aniyang bully ang China sa patuloy nilang pagbabalewala sa international maritime law, kabilang na ang UNCLOS, ang 2016 Arbitral Ruling, at hindi na rin nila nirerespeto ang Freedom of Navigation.
Kaya naman iginiit ng senador na dapat panagutin na ang China sa mga panghihimasok nila at sa paglalagay sa alanganin ng buhay ng mga Pilipino.
Sinabi ni Ejercito na dapat gawin ng ating gobyerno ang lahat ng hakbang para maprotektahan ang ating mga kababayan at ang ating bansa.
Muli ring binigyang-diin ng mambabatas na napapanahon nang palakasin ang defense posture ng bansa sa pamamagitan ng pagmomodernisa ng ating militar. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion