Isinasapinal na ng Quezon City Police District (QCPD) ang latag ng seguridad sa gaganaping ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa July 22.
Kaugnay nito, isang Inter-Agency Coordinating Conference ang ikinasa ng QCPD na tumutok sa komprehensibong deployment plans para sa SONA.
Pinangunahan ito ni QCPD Chief Police Brig. Gen. Red Maranan at mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP); Department of Public Order and Safety (DPOS); Traffic and Transport Management Department (TTMD); QCDRRMO; Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Task Force Disiplina; at mga Station Commander.
Ayon sa QCPD, tinalakay sa pulong ang ilang mga kritikal na aspeto kabilang ang threat assessment, mga protocol sa seguridad at kaligtasan, mga estratehiya sa deployment, at pati na traffic management.
Ang mga hakbang na ito ay mahalaga upang matiyak ang ligtas at mapayapang SONA, na inaasahang maghahatak ng pansin mula sa pambansa at internasyonal na antas.
Una nang sinabi ng QCPD na higit sa 6,000 tauhan ang kanilang ipakakalat sa paligid ng Kamara upang magbigay ng seguridad sa darating na SONA.
Tututukan din maging ang mg lugar na kadalasang pinagtitipunan ng mga nagkikilos protestda kabilang ang Mabuhay Rotonda, QC Memorial Circle, kahabaan ng Commonwealth Avenue at paligid ng Batasan Complex. | ulat ni Merry Ann Bastasa