All set na ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang security personnel para sa kanilang magiging trabaho kaugnay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa Lunes, July 22, 2024.
Pinangunahan nina PNP Acting Dir for Operations at Supervisor ng STF SONA 2024, PBGen. Nicolas Salvador, NCRPO Regional Dir. PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. at QCPD Chief PBGen. Red Maranan ang isinagawang send-off ceremony sa Kampo Karingal sa Quezon City.
Dito, nagkaroon ng blessing sa lahat ng security force at resources at mayroon ding demo sa anti-drone gun na gagamitin sa SONA.
Sa kanya namang mensahe, sinabi ni PMGen. Nartatez na aabot sa 23,000 ang lahat ng mga personnel mula sa NCRPO at law enforcement agencies ang magbabantay para sa seguridad sa SONA.
8,000 sa mga ito ang tututok sa paligid ng Batasan Pambansa complex kung saan nasa humigit kumulang 2,000 personalidad, foreign dignitaries at iba pang VIPs ang magtutungo bukod pa kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nakalatag na rin aniya ang contingency plans para sa tinatayang 18,000 na mga anti at pro-govt rallyist na magkikilos protesta sa lunes.
Sa kasalukuyan, nananatili namang aniyang walang anumang banta sa seguridad sa araw ng SONA.
Muli ring nagpaalala ang NCRPO Chief sa mga may-ari ng baril na wag nang bitbitin ang armas dahil kanselado ng tatlong araw ang permit to carry bilang bahagi ng security measure sa SONA. | ulat ni Merry Ann Bastasa