Mahigpit na mino-monitor ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sa pamamagitan ng Cybersecurity Bureau at National Computer Emergency Response Team, ang nangyaring global cyber software outage.
Ayon kay DICT Assistant Secretary for Legal Affairs at Spokesperson Renato Paraiso, ang patuloy na software outage ay sanhi umano ng maling update ng isang cybersecurity provider.
Ang outage na ito ay nakakaapekto sa mga kumpanya sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, na gumagamit ng nasabing cybersecurity product.
Tiniyak ng DICT sa publiko na hindi sila gumagamit ng parehong cybersecurity service provider at walang sistema o asset ng DICT ang naapektuhan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga stakeholder upang makakuha ng detalyadong impormasyon at masuri ang buong epekto ng insidenteng ito. | ulat ni Diane Lear