Umano’y fixer na nanikil sa isang negosyante sa Maynila, nahuli sa entrapment operation

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District Special Mayor Reaction Team o MPD-SMART ang suspect sa umano’y paninikil sa isang negosyante sa Ermita, Manila.

Kinilala ni Police Major Dave Garcia, Deputy Chief ng MPD-SMART, ang suspect na si Melody Laureano na nagpapakilala umano na may koneksyon sa Manila Local Government.

Ayon kay Garcia, inireklamo siya ng complainant na nagpalakad ng BIR at business permit.

Bagama’t nakapagbayad ang biktima ng higit P19,000 kay Laureano ay wala siyang natanggap na anumang dokumento.

Nagtungo ang complainant sa City Treasurer’s Office at napag-alaman na hindi tugma ang detalye ng transaksyon sa natanggap nitong photocopy ng resibo kahit pareho ang control number.

Naningil pa ng higit P20,000 ang suspect dahil sa umano’y paglabag ng complainant sa pagproseso ng business permit, ngunit napag-alaman na walang business record ang kanyang negosyo.

Sa ikinasang entrapment operation, agad na hinuli ang suspect nang tanggapin nito ang bayad ng biktima.

Narekober ang mga ID na may magkakaibang pangalan ngunit iisang mukha ang nakalagay.

Giit ng inaresto, na legal siyang nagpoproseso ng mga dokumento at Arlene Dela Cruz ang kanyang totoong pangalan.

Mahaharap siya sa kasong Extortion at Estafa Through Falsification by private individual and use of falsified documents. | ulat ni Bernard Jaudian

Photo: MPD-SMART

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us