Tuloy tuloy ang pamamahagi ng relief packs ng Department of Social Welfare and Development sa mga naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbahang dulot ng Bagyong Enteng.
Sa DSWD Forum, sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao na umabot na sa 193, 713 family food packs ang naipaabot na sa mga biktima ng bagyo.
Pinakamalaki ang nailaan sa NCR na aabot sa 56,180 FFPs na sinundan ng Bicol region na may natanggap nang 52,193 FFps.
Bukod sa food packs, aabot na rin sa P90,000 ang naipaabot na financial assistance ng DSWD sa kaanak ng mga nasawi dahil sa bagyo mula sa Rizal at Cebu.
Patuloy rin ang ginagawang psychosocial services ng DSWD sa mga residenteng nananatili sa evacuation centers.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Asec. Dumlao na nakikipagugnayan na sila ngayon sa Department of Budget and Management para sa replenishment ng pondo sa Quick Response Fund.
Patuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang agarang maihatid ang nararapat na tulong para sa mga apektadong indibidwal. | ulat ni Merry Ann Bastasa