Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroong sapat na suplay ng family food packs at iba pang relief items para sa mga lokal na pamahalaan na naapektuhan ng Bagyong Enteng.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, sapat ang resources ng DSWD at ang national stockpile ng ahensya ay mahigit 1.7 milyon pa.
Patuloy naman ang DSWD sa pagre-repack ng family food packs sa mga pangunahing hubs ng ahensya upang matiyak ang sapat na suplay bilang paghahanda sa mga susunod pang kalamidad.
Dagdag pa ni Asec. Dumlao na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa iba pang mga ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng epekto ng mga paparating na bagyo.
Samantala, batay sa pinakahuling imbentaryo, ang DSWD ay mayroong mahigit P134 milyong available na standby funds. | ulat ni Diane Lear