Aabot sa 400 na mga dating mandirigma buhat sa Moro National Liberation Front (MNLF) ang binigyan ng benepisyo ng Pamahalaan sa ilalim ng transformation program nito.
Iyan ang ini-ulat ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) kasunod ng hakbang nito na mabigyan ng disenteng buhay ang mga nagbabalik-loob na mga rebelde.
Ayon sa OPAPRU, sumailalim sa security paper validation at orientation ang mga naturang MNLF combatant para maging kuwalipikado silang tumanggap ng mga benepisyo.
Gaya na lamang ng Cash-for-Work Program, Philhealth membership at study grants para sa kanilang mga anak.
Mula noong Setyembre 2022, aabot na sa halos 2 libong MNLF members ang sumailalim sa naturang programa at nabigyan ng mga nabanggit na benepisyo. | ulat ni Jaymark Dagala