Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ay para sa repatriation ng mga labi ng limang tripolante ng Lu Peng Yuan Yu 028 na lumubog sa karagatang sakop ng Sri Lanka at bahagi ng Indian Ocean.
Ayon kay DFA Spokesperson, Ambassador Teresita Daza, kahapon ay lumipat na sa search and recovery operations mula sa dating search and rescue ang mga awtoridad dahil sa mahabang panahon mula nang lumubog ang barko.
Sa kasalukuyan aniya, may 12 barko at anim na aircraft mula sa Australia, India, China, Sri Lanka at iba pa ang sama-samang nagkasa ng kanilang operasyon sa nasabing karagatan.
Kasunod nito, tiniyak din ng DFA na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang makapaghatid ng kaukulang tulong para sa mga naulila ng mga nasawing Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala